Untitled No. 13
Ang hindi ko maintindihan
Ay kung paano mo nasabi sa akin
Na ika’y hindi ko na kailangan
At pag-ibig sa’yo ngayo’y itinigil
Mga pinakatatagong ngiti
At pinakalilihim na tingin
Ni minsan ay hindi ko inakalang
Pag nawala’y iyo pang hahanapin
Malayo man ang katawan ko sa’yo
At tila’y di na muling maaabot mo
Tandaan na sa iyo ay matagal nang iniwan
Ang aking nag-iisa at nagmamahal na puso
Habang ako’y patakbo papunta sa iba
Ako’y natigilan dahil nakita ka
Tanong sa sarili ko’y “Maaari nga kaya
Na ako’y lumigaya kahit sa piling ko’y wala ka?”
Nakakainis ang ibang tao
Kalungkutan ko’y binabati
Nakakainis ang ibang tao
Kasawian ko’y pilit na pinapawi
Nakakalungkot ang nakaraan
Puro at lagi na lang ikaw ang laman
Mga alaalang dala’y kaligayahan
Mga gunitang kasama’y kalungkutan
Ang galing mo palang magtago
Ng kahinaang akala ko’y wala ka
Pakatandaang mananatili ako sa tabi mo
Para sandalan mo pag lakas ay ubos na
Pinapangarap na makasama ka
Ipinagdarasal na muli’y makausap ka
Pinanghihinaan tuwing naaalala
Ang dati’y narito ay lumayo na
Pagdating ng gabi at ako’y nag-iisa
Sa pagpikit ay mukha mo ang nakikita
Laging nagpapasalamat sa Poong Maykapal
Dahil sa buhay ko ay naging bahagi ka
Lahat ng pighati’y aking titiisin
At lahat ng kasawian ay kakayanin
Kaligayahan mo’y maibigay lang,
Wala akong hindi gagawin…